Nahuli-cam sa Baguio City ang maaksiyong pagsalba sa kanilang mga buhay ng dalawang pahinante at kanilang driver sa pamamagitan ng pagtalon mula sa kanilang delivery truck na mabilis na umaatras.
Sa ulat ng GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Biyernes, makikita sa kuha ng CCTV camera sa bahagi ng Marcos Highway, na magkasunod na tumalon ang dalawang pahinante mula sa passenger side sa unahan.
Ilang saglit pa, ang driver naman ang tumalon pero hindi maganda ang kaniyang pagkakabagsak kaya humadusay siya sa kalsada.
Mabuti na lang at walang ibang sasakyan na nakasagasa sa tatlo. Isang rider naman ang tumigil at hinarangan para protektahan ang driver na nakahandusay sa gitna ng kalsada.
Ang delivery truck na umatras, nagtuloy-tuloy hanggang sa mahulog sa kanal at tumigil.
Mabuti na walang ibang sasakyan o tao na nadamay sa naturang insidente.
Nakaligtas ang mga pahinante at driver bagaman nagtamo sila ng mga galos sa katawan.
Ayon sa awtoridad, paakyat ng Baguio City ang truck nang bigla itong umatras, na hindi binanggit sa ulat kung ano ang dahilan. --FRJ, GMA Integrated News