Muling ipinaalala ng awtoridad na posibleng may sindikatong nasa likod ng mga namamalimos sa kalsada. Inihayag ito makaraang mag-viral sa social media ang larawan ng mga batang namamalimos sa kalye sa Maynila na may gamit na QR code kapag walang barya ang motorista.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, makikita ang nag-viral na larawan na kuha sa Sampaloc, Manila habang hawak ng batang namamalimos ang QR code.
“Nagsabi kami na wala kaming barya tapos biglang naglabas ng ganun ng QR code kaya natawa muna kami. Chineck namin kung totoo yung QR. Nakalagay ‘Beverly,’” ayon kay Angelo Gabriel Fuentebella.
“Laging akong naaawa kaya nagbibigay. Hindi ko na naiisip na hindi pala sa kanila mapupunta ganun. Minsan naman pagkain binibigay ko kung meron ako,” dagdag niya.
Pero ayon sa National Anti-Poverty Commission (NAPC), hindi dapat magbigay ng limos dahil posibleng parte ng sindikato ang mga namamalimos.
“Merong mga sindikato na nasa likod ng mga ganito merong mga instances noon na hinahatid ito ng van sa umaga pinipick up sa gabi,” ayon kay NAPC vice chairperson Reynaldo Tamayo Jr.
May parusa rin sa mga nagbibigay ng limos na P500 multa, batay sa Anti- Mendicancy Law of 1978. Habang maaaring makulong naman nang hindi lalampas ng dalawang taon ang magulang ng batang nanghihingi limos.
“Kami na nasa government sector ang gusto namin mangyari ay yung ma-consolidate natin lahat ng programa ng gobyerno para matignan at matutukan yung mga problema na ganito,” sabi ni Tamayo.
Nasa 18.1% ang poverty rate ng bansa o halos isa sa bawat limang Pilipino ang mahirap noong 2021.
May halos 4.4 million na sambahayan naman ang tinutulungan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ayon sa ulat, hindi lahat ng below poverty line ay natutulungan ng programa dahil sa hindi sapat na community based monitoring system.
“May mga local government units pa na hindi pa nai-implement ito, but right after na ma-implement ito, masisiguro natin na ang lahat ng data ay makukuha at magiging more accurate na ang data ng mga tinatarget nating nasa below poverty line,” dagdag ni Tamayo. -- Richa Allyssa Noriega/FRJ, GMA Integrated News