Laking tuwa ng mga mangingisda o angler nang makakita sila ng grupo ng Orca o killer whales sa karagatang bahagi ng Lopez Jaena sa Misamis Occidental.
Sa video na kuha ni Kibin Ocos, ng Misamis Occidental Anglers Club, makikita na nakasabay nila sa laot ang grupo ng Orca.
Katatapos lang umano ni Kibin na mangisda dakong 8 a.m. nang makita nila ang mga killer whale.
“Sobrang saya po namin, first time po at sobrang rare lang po kasi makakarating yung mga Orca dito sa karagatan natin,” ani Kibin, sa video post sa Facebook page ng GMA Regional TV News
Samantala, malaking tiger shark naman ang nakita ng isang Cebuano diver at photographer sa ilalim ng karagatan sa Monad Shoal sa Malapascua Island, Daanbantayan sa southern part ng Cebu.
Sa video, makikita na malapit lang kay Aubry Ybañez Lerio ang naturang tiger shark, na isa sa mga kilalang pinaka-agresibong uri ng pating. --FRJ, GMA Integrated News