Kinabibiliban ang isang walong taong gulang na bata sa Batangas City na may angking galing sa geography. Kabisado niya ang mga watawat at kabisera ng iba’t ibang bansa, at kung saang kontinente sila nabibilang.
Sa ulat ni Hazel Aviar ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, ipinakilala ang Grade 2 na si Dyve Keiran Ramirez na kabisado ang mahigit 100 national flags ng iba’t ibang bansa.
Ayon sa ina ni Dyve na si Felipa Briones Ramirez, tatlong taong gulang pa lamang ito nang makahiligan ang geography.
“Ang aking bayaw, tuwing gabi po kasi ang anak ko nandoon. Pagka gabi po nagbabatuhan sila ng mga name ng flags, capitals sa mga continent. Hindi ko alam na nahahasa siya ng ganu’n,” sabi ni Felipa.
Naobserbahan din ng class adviser ni Dyve na sadyang matalino ang bata dahil kasama siya sa may mga honor sa klase.
Noong magsagawa ng skills and talent competition sa kanilang eskuwelahan, si Dyve ang kanilang isinabak at hindi sila nagsisi dahil siya ang nanalo.
Sa tuwing wala namang pasok sa eskuwelahan, tumatambay si Dyve sa maliit na tutorial room ng kaniyang ina, na isang tutor at dating kinder teacher. —LBG, GMA Integrated News