May isang uri ng isda na makikita sa Mangaring River sa San Jose, Occidental Mindoro na hindi lang kayang gumapang sa lupa, kaya pa niyang umakyat sa puno o halaman.
Sa video ng Public Affairs Exclusives, ipinakita ang paghahanap ng team ng programang "Born To Be Wild" sa pambihirang isda na kung tawagin ay tambasakan o mudskipper.
Makikita umano ang tambasakan sa putikan ng mga bakawan. Bagaman puwede sa tubig, sinabi ni Doc Nielsen Donato, host ng "BTBW," mas gusto ng isdang ito na mamalagi sa lupa o putukan.
Puwede raw kasing malunod ang tambasakan, at kaya naman nilang manatili ng hanggang dalawang araw sa lupa.
"Kaya nga sila tinatawag na lang-loving fish dahil mas prefer nila to be on land dahil sa specialized nila na characteristics," ani Doc Nielsen.
Kapag high tide, umaakyat sa puno na hanggang dalawang talampakan ang taas ang tambasakan. At kapag low tide, lumalabas sila sa lungga at kinakapa ang putik gamit ang kanilang bibig para maghanap ng makakain.
Kapag walang sapat na huli ng isda sa ilog ang mga mangingisda, ang tambasakan ang hinuhuli nila. Pero hindi basta-basta madali ang paghuli sa mga ito dahil kaya nilang magtago sa putik na hanggang baywang ang lalim.
"Amazing creature itong mudskipper na ito," sabi ni Doc Nielsen nang masaksihan kung hanggang gaano kalalim ng putik ang kaya nitong pagtaguan. --FRJ, GMA Integrated News