Patay ang isang lalaki na nagtamo ng malalalim na sugat sa leeg, mga braso at dibdib matapos siyang atakihin ng isang oso habang nagja-jogging sa kakahuyan sa Italya.
Sa ulat ng Agence France-Presse, kinilala ang biktima na si Andrea Papi, 26, na tumatakbo noong Miyerkoles sa kabundukang bahagi ng kaniyang nayon sa Caldes sa Trentino nang mangyari ang insidente, ayon sa isang source.
Inalarma na ng kaniyang pamilya ang mga awtoridad matapos bigong makauwi si Papi. Nang magsagawa ng paghahanap ang search team, natagpuan kinagabihan ang kaniyang wala nang buhay na katawan.
Lumabas sa awtopsiya na isinagawa nitong Biyernes na inatake siya ng isang oso, dagdag ng source ng AFP, na nagsisilbing kumpirmasyon sa mga nauna nang naiulat ng media sa Italya.
Bago nito, isang lalaki ang inatake rin ng oso sa lugar nitong Marso, dahilan para muling magkaroon ng mga debate tungkol sa mga panganib na idinudulot ng mga hayop, na dati na ring pinag-usapan noong 1996 hanggang 2004.
Nagdesisyon ang lokal na pamahalaan na hanapin at patayin ang naturang oso kapag natukoy na ito, sabi ni Trentino region president Maurizio Fugatti sa mga mamamahayag nitong Biyernes.
Sinang-ayunan din ng environmental group na WWF na dapat nang puksain ang oso.
Gayunman, pinuna ni Annamaria Procacci, isang dating ecologist deputy na nagtatrabaho ngayon kasama ang animal welfare group na ENPA, ang kakulangan sa pag-iingat na ginagawa ng mga lokal na opisyal.
Ayon sa kaniya, kadalasang inilalayo ng mga oso ang kanilang mga sarili sa mga tao.
Dagdag niya, dapat tiyakin ng lokal na pamahalaan na malalayo ang mga tao sa mga lugar kung saan pinalalaki ng mga inahing oso ang kanilang mga anak. —Jamil Santos/KG, GMA Integrated News