Isang barangay sa Dagupan City, Pangasinan ang naglabas ng ordinansa na bawal ang kanilang mga kababayan na magsampay o magsabit ng kanilang mga nilabhan sa harap ng kanilang mga bahay.
Sa ulat ni Jasmien Gabriel Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing ang ordinansa ay ipinatutupad sa Barangay Herrero-Perez.
Pagpasok pa lang umano sa bukana ng barangay, makikita na ang malaking karatula na nagsasaad ng mga ipinatutupad na ordinansa sa barangay, kabilang na pagbabawal ng pagsasampay ng mga nilabhan sa harap ng mga bahay.
Pero nilinaw ni Salve Bravo, kapitana ng barangay, tanging ang mga bahay na nadadaanan lamang ng mga sasakyan ang pinagbabawalan na magsampay o magsabit ng kanilang mga nilabhan sa harap ng bahay.
"Pangit tingnan eh yung mga nadadaanan ng mga sasakyan may nakikitang mga nakasampay. Kaya napapansin niyo, walang nakasampay dito sa daanan ng mga sasakyan," anang lokal na opisyal.
"Pero kung nasa looban naman ang bahay nila, okey lang. Huwag lang yung mga nadadaanan ng mga sasakyan," dagdag niya.
Batid na umano ng karamihan ng mga residente ang tungkol sa mga umiiral na ordinansa. Ang iba, sa likod na lang ng kanilang bahay nagsasampay ng kanilang nilabhan.
Gayunman, may iilan umano na hindi sumusunod sa ordinansa dahil wala raw kasi silang ibang lugar na pagsasampayan.
Pero paalala ng barangay, maaari namang magsampay sa likod o gilid ng bahay.
May binuo umanong grupo ang barangay na nag-iikot para tiyakin na naipatutupad ang ordinansa at sitahin ang mga hindi sumusunod.
Umaasa ang mga opisyal ng barangay na mauunawaan ng mga residente ang kahalagahan ng ordinansa na para sa kaayusan at kalinisan ng kanilang lugar.
Bukod pa rito ang pagpapatupad ng desiplina upang masunod ang mga ipinatutupad na ordinansa.--FRJ, GMA Integrated News