Ikinatakot ng mga taga-Japan at South Korea ang mala-embudong liwanag sa kalangitan na kanilang namataan noong Disyembre 30, na pinaniniwalaan ng ilan na kagagawan umano ng extra terrestrial beings. Ano nga kaya ito? Alamin ang paliwanag ng militar ng South Korea.

Sa ulat ng GMA News Feed, mapapanood ang isa sa mga post na kumalat sa social media matapos mamataan ang ilaw sa iba't ibang bahagi ng Japan.

Ayon sa mga post at lumabas na report, nakita ang liwanag mula Kyushu hanggang sa Kanto region.

Sinabi ng netizens na tila bumababa ang ilaw hanggang dahan-dahan itong nawala.

Sa gabi ring iyon, nakita rin ang kaparehong liwanag sa ilang lugar sa South Korea. Pero ang kaibahan nito, paakyat ang liwanag at may mistulang buntot.

Dahil dito, ilang tao ang naghinala na baka extra terrestrial beings o mga nilalang mula sa kalawakan ang nasa likod ng misteryosong liwanag.
Nitong Lunes, Enero 2, naglabas ng paliwanag ang defense minstry ng South Korea.

Sinabi nila na nagmula sa pinalipad nilang rocket ang namataang liwanag.
Isa umano iyong test flight ng solid-propellant space launch vehicle, na bahagi ng programa ng gobyerno para paigtingin ang kanilang kakayanan sa space-based surveillance.

Hindi umano inanunsyo ng gobyerno ng S.Korea sa publiko ang test flight dahil kaakibat nito ang ilang sensitibong isyung pang-militar.

Nauna namang sinabi ng Tachibana Astronomical Observatory sa Japan na liwanag mula sa rocket ang posibleng namataan sa kanilang bansa.

Isinagawa ang rocket launch ng South Korea kasunod ng pag-akusa nila sa North Korea ng pagpapalipad ng drones sa border.

Samantala, pinaiigting din ng North Korea ang kauna-unahan nilang military surveillance satellite at iba pang weapon systems. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News