Ngipin raw ang unang napapansin sa tuwing tayo ay ngumingiti. Kaya naman ang ilan sa atin ay nagpapakabit ng braces para maayos ang sungking ngipin.
Pero paano kung kaysa makatulong, mas napasama pa ang mga ngipin dahil sa umano'y do-it-yourself (DIY) braces?
Sa kwento ni Athena Imperial sa programang “Dapat Alam Mo!”, isinalaysay ni Joann Barrio na madalang siyang ngumiti dahil sungki-sungki ang kanyang mga ngipin.
“Nakakawala talaga siya ng confidence kasi nga for me napaka-pangit ng ngipin ko. Some of my classmates wrote to me na hindi raw ako friendly, maldita raw ako or snob kasi nga I don't really smile to them,” saad ni Joann.
Dahil estudyante pa siya noon, natagalan daw ang bago nakapag-consulta sa dentista dahil may kamahalan ito.
Kaya nang nagkaroon siya ng trabaho, ipinaayos niya agad ang kanyang mga ngipin.
“I told the dentist na ipapabunot ko po lahat ng teeth ko sa front kasi I wanted it to be pustiso na lang. Kaso sabi ni doc, healthy and strong ang teeth ko at that time. So they suggested ipa-braces na lang,” ani Joann.
Ayon sa isang Dentist na si Yvonne Grace Galvan-Valera, ang braces ay dental tools na ikinakabit sa ngipin para magpantay-pantay.
“Usually po bine-braces po natin ang mga ngipin upang ma-correct ang alignment. For example, kung ang pasyente ay may sungki, masyado pong malalim ang kagat, masyado pong malayo ang kagat, o kaya po crossbite at saka po mga spaces ng ngipin,” paliwanag pa ni Galvan-Valera.
Sinabi rin ng dentista na dapat munang dumaan sa masusing konsultasyon ang pasyente para malaman ang tamang treatment na gagawin sa kanyang ngipin.
“Kailangan po natin kumuha ng mga diagnostic like po panoramic x-ray, cephalometric x-ray, at saka po sukat ng upper and lower jaws. Pagkatapos po nu’n kailangan po muna natin pag-aralan ang treatment and after po that saka pa lang kakabitan ng braces,” giit pa niya.
Kaya ang dating mahiyain si Joann, todo na araw ang ngiti ngayon dahil sa braces.
“As in super saya ko kasi feeling ko ang confident ko na po ngayon… Now, it has changed a lot ang dami ko nang naging friends ngayon and they would say na iba na talaga ako, ganon,” dagdag pa ng dalaga.
Binaggit naman ni Galvan-Valera na dapat buwan-buwan ang konsultasyon ng mga pasyente sa kanilang braces.
“Usually po ang regular, we do adjustment 3 to 4 weeks interval for the purpose of monitoring. Kapag hindi nakabalik ang pasyente, may mga movements po tayo na hindi mangyari. Like for example excessive movements po sa ngipin,” aniya pa.
Hulugan rin daw ang bayad sa pagpapakabit ng braces na umaabot ng halos P40,000.
Dahil may kamahalan, ang ilan ay pinili ang DIY braces.
Isa na rito si Beauty, hindi niya tunay na pangalan.
Kwento ni Beauty, tinutulungan niya raw ang mga gipit para maibalik ang kanilang ngiti sa bagsak presyo na DIY braces.
“Ginagawa ko po ito hindi lang dahil sa hirap ng buhay, hindi lang po dahil kailangan, kundi gusto ko rin makatulong sa mga kagaya ko na sungki ang ngipin,” diin pa niya.
“Hindi rin maiiwasan lalo na’t legal namang nakakapagbenta ng mga dental materials, hindi nga lang legal dahil walang license,” aniya pa.
Pero may babala si Galvan-Valera sa mga nagpapakabit ng braces sa hindi mga lisensyadong dentista.
“Sa mga DIY braces po ay mali. ‘Yung mga sungki po sometimes po sumusobra po lalo ang sungki. And then ang pinaka-danger po nu’n is you will have like gum disease. Ito po ay matinding ipinagbabawal ng asosasyon ng mga dentista,” saad ng dentista.
Ayon pa sa kanya, hindi raw pwedeng basta-basta ang pagpapakabit ng braces.
“Sa mga pasyente po na hindi pa po kayang magpa-braces. Unang-unang sa lahat, kailangan po natin pag-ipunan. So kailangan po muna natin mag-set ng goal kung kailan po natin gustong magpa-treatment plan,” giit ni Galvan-Valera. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News