Pambihira ang nangyari sa isang tricycle drayber sa Bauan, Batangas na himalang makaligtas matapos siyang barilin sa ulo pero hindi tuluyang pumasok sa kaniyang bungo ang bala.
Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Huwebes, kinilala ng pulisya ang 32-anyos na biktima na si Marvin Castillo, residente ng Barangay San Teodoro.
Ayon sa pulisya, tatlong beses na malapitang pinaputukan ng suspek ang biktima gamit ang kalibre .38 na baril.
Sa isang larawan, makikita pa ang isang bala na nakatusok sa ulo ng biktima. Agad siyang dinala sa ospital para magamot.
“Sa kabutihang palad po siya naman ay hindi nagtamo ng fatal wounds. Although ang tama ng bala sa kanya ay sa ulo. Narekober pa nga sa kaniyang ulo ang bala,” pahayag ni Bauan Police Station chief Police Major Allan de Castro.
Kuwento ng kasamahang tricycle drayber ni Castillo, nakaupo lamang sila sa isang bangketa nang biglang may nagpaputok ng baril.
“Bumili kami ng palamig. Pagbili ng palamig namin umupo kami sa upuan, magkatabi kami. Nu’ng umiinom na kami ng palamig bigla na lang may pumutok. ‘Yun pala binabaril na ang kasama ko,” saad niya.
Dagdag pa ng kasamahan ni Castillo, wala siyang alam na nakaaway ng biktima, na nagpapagaling na sa isang ospital matapos alisin ang bala sa kaniyang ulo.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo at suspek sa krimen.
Sinubukan pa rin makuhanan ng pahayag ang kaanak ng biktima, ayon sa ulat.-- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News