Isang grupo ng mga estudyante ang nahihiwagahan pa rin kung ano ang tila kakaibang nilalang na nakuhanan nila ng video sa auditorium ng kanilang paaralan. May kaluluwa nga kaya ng estudyanteng nasawi ang nagpaparamdam sa eskuwelahan?
Sa Halloween special episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho: Gabi ng Lagim X," sinabi ng mga estudyante na limang taon na ang nakaraan nang gawin nila ang video na trailer para sa kanilang gagawing palabas.
Pero sa isang eksena na bubungad ang isang tao mula sa likod ng pinto, nagulat na lang sila na kusang bumukas ang puntuan kahit walang gumagalaw.
Ngunit bukod sa palaisipan kung bakit kusang bumukas ang pinto, nalaman nila na may kakaibang nilalang na tila sumilip din sa video.
Nalaman lang nila ito nang i-upload nila ang video sa social media ang may netizen na matalas ang mata na nakapansin.
Bukod sa naturang insidente, sinasabing may iba pang nakakakilabot na pangyayari na nagaganap sa auditorium at iba pang parte ng eskuwelahan.
Ang estudyanteng si Monique na nanirahan sa dorm, ikinuwento ang lobo na ilang araw nang lumilipad sa kanilang lugar na tila hinahawakan nang hindi nakikitang nilalang.
Habang nasa panayam, bigla siyang napatigil dahil may nadinig siyang bulong. Hindi napigilan ni Monique na maiyak.
Ang cameraman ng "KMJS" team na bukas ang third eye, sinabing pinauwi sila ng kakaibang nilalang.
Kahit ang driver ng "KMJS" team, may kakaibang naramdaman na tila may sumama sa kanilang sasakyan.
Ang paranormal researcher na si E Calauag, nagsagawa ng imbestigasyon para alamin kung ano o sino ang nagpaparamdam sa eskuwelahan? Isa kaya itong estuyanteng nasawi sa lugar? At ano ang masasabi ng mga eksperto nang suriin ang video sa bumukas na pinto at tila sumilip na nilalang? Panoorin ang buong istorya sa video.--FRJ, GMA News