Inutusan ng Muntinlupa court ang direktor na si Darryl Yap at kinatawan niya na alisin ang teaser at iba pang materyal sa pelikula niyang “The Rapists of Pepsi Paloma.” Ayon sa kampo ni Vic Sotto, dahil sa teaser na nag-aakusa sa TV host-actor ng rape, nakatatanggap ito at ang asawa niyang si Pauleen Luna ng pisikal na pagbabanta, at nabu-bully ang kanilang anak.

Sa ulat ni Nimfa Ravelo sa Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabing pinagbigyan ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 205 ang petisyon para sa writ of habeas data na inihain ng TV host-actor na si Vic Sotto, na binanggit ang pangalan at inakusahan ng panggagahasa umano kay Pepsi sa naturang teaser ng pelikula.

Pinagbawalan din ng korte si Yap na maglabas pa ng ibang promotional materials, teasers, at mga content tungkol sa pelikula.

Kasama sa utos ng korte na alisin ang mga promo material ng pelikula na naka-post sa social media.

Ipinagbawal din na i-share ang mga post nito tungkol sa pelikula.

“May utos na po ang korte sa writ of habeas data na ito ay lumalabag sa karapatan ng ating kliyente kung kaya’t pansamantala ay grinant ang habeas data,” saad ng abogado ni Vic na si Atty. Enrique Dela Cruz sa naturang ulat sa dzBB.

“Ibig sabihin ay tigilan muna natin ang pagpo-post, pagse-share ng mga bagay na ito hanggang sa ito ay mapag-usapan,” dagdag niya.

Ayon sa ulat, sinabi ni Dela Cruz na hiniling nila sa korte sa inihaing petisyon na protektahan ang privacy ni Sotto dahil sensitibong usapin ang alegasyon ng panggagahasa.

 

 

Ang naturang alegasyon laban kay Sotto ay naging dahilan para magkaroon umano ng banta laban sa aktor at asawa nitong si Pauleen Luna, at apektado rin ng pambu-bully ang kanilang anak.

Samantala sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, inihayag ng TV host na sinabi ni Atty. Dela Cruz na nakararanas si Vic ng "mental anguish" at "serious anxiety."

Ipinakita rin ni Tito Boy ang natanggap nilang kopya ng affidavit ni Vic, na idinetalye niya ang lahat ng posts ni Darryl at production company nito mula pa Disyembre noong nakaraang taon.

Una rito, naghain si Sotto ng 19 counts of cyberlibel laban kay Yap kaugnay ng naturang teaser ng pelikula.

Pinatatawag din ng RTC si Yap para sa summary hearing kaugnay ng petisyon ni Sotto sa Enero 15.

Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuha ang komento ni Yap tungkol sa usapin.

Dating sexy actress si Pepsi, o Delia Smith sa tunay na buhay, na pumanaw noong 1985 sa edad na 18, tatlong taon matapos niyang sabihin sa korte na hindi totoo ang kaniyang alegasyon na ginahasa siya.— Joahna Lei Casilao/Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News