Alertong rumesponde ang mga pulis sa naging habulan ng isang motorsiklo at isang SUV sa Recto, Maynila. Pero nang maharang nila ang SUV at malaman ang ugat nang habulan, napakamot na lamang sa ulo ang mga alagad ng batas.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing naalerto ang mga awtoridad matapos mapansin ang isang babae na sakay ng motorsiklo na patuloy na sinusundan at hindi tinantanan ang isang SUV.

Lalo pang naghinala ang mga pulis nang mapansin nila na basag-basag na ang salamin ng kotse na mapaghihinalaan na mga tama ng baril.

“Ang ginawa ng pulis natin dun, kinuha 'yung [kaniyang] motor, hinabol niya rin po tapos tinawag po sa local radio namin,” sabi ni Plaza Mirandan PCP Chief Capt. Rowel Robles sa isang panayam.

“Pagtagtawag po, na-monitor ko po rito, in-alert ko po 'yung dalawang tao ko na nasa Quezon Boulevard,” dagdag niya.

Tuluyang naharang at napahinto ng mga pulis ang hinahabol na kotse sa Quezon Boulevard at pinababa ang driver.

Matapos ang pag-uusap, nalaman nila na mag-asawa pala ang sakay ng humahabol na motorsiklo at ang drayber ng hinahabol na kotse.

“Iyong hot pursuit po nalaman natin, hot pursuit ng mag-asawa,” ani Robles.  “Hindi natin alam kung sino iyong bumasag. Allegedly ho, sabi ng lalaki, iyong asawa niyang babae.”

Ayon sa kanilang imbestigasyon, nadiskubre ng babae na may kalaguyo ang asawa kaya hinabol niya ito.

Paliwanag naman ng kaniyang mister, umalis lamang siya ng bahay upang magpalamig ng ulo nang pinagbabasag ng asawa ang salamin ng sasakyan.

Hindi pa malinaw kung nagsampa na ang mag-asawa ng kaso laban sa isa’t isa. --Sundy Mae Locus/FRJ, GMA News