Napasiksik at iniangat ng ilang pasahero ang kanilang paa na nasa business-class ng United Airlines jet nang biglang bumulaga ang isang ahas nang lumipad ang sinasakyan nilang eroplano sa New Jersey airport.

Sa ulat ng Reuters, sinabing galing sa Florida ang United Airlines Flight 2038, at kalalapag lang sa Newark Liberty International Airport sa New Jersey nang tila gusto na ring bumaba kasabay ng mga pasahero ang isang "garter snake," na itinuturing hindi mapanganib na uri ng ahas.

Ayon sa Port Authority ng New York at New Jersey, hihimpil na ang eroplano nang magkaroon ng eksena sa business-class cabin dahil sa nakitang ahas.

Sinabi ng isang pasahero sa regional cable outlet na News 12 New Jersey, napasiksik at napa-angat ang mga paa ng mga pasahero sa takot.

Ligtas naman na nahuli ng mga tauhan ng airport animal-control at Port Authority police ang ahas at pinakawalan sa natural nitong tirahan, ayon kay Port Authority spokesperson Cheryl Ann Albiez.

Walang nasaktan sa insidente, at hindi rin naantala ang operasyon sa paliparan. Nakalipad din eroplano pagkatapos ng insidente.

Ayon sa tagapagsalita ng United, tinawagan ng kanilang crew members ang "appropriate authorities to take care of the situation," nang malaman na may ahas sa eroplano.

Wala itong binanggit na paliwanag kung papaano nagkaroon ng ahas sa eroplano.

Hindi naman ito ang unang pagkakataon na may nakitang ahas sa loob ng commercial plane.  Noong 2016, isang ahas ang nakita sa passenger cabin ng Aeromexico flight sa Mexico City. May sawa naman na nakitang nakasabit sa pakpak ng isang eroplano na bumiyahe mula sa Australia patungong Papua New Guinea noong 2013. -- Reuters/FRJ, GMA News