Nabalot ng kilabot at pangamba ang masaya sanang araw ng kasal nang makunan ng larawan ang groom na tila pugot o wala ang ulo sa Carcar City, Cebu. Isa kaya itong masamang pangitain, lalo't isinukat din daw ng bride ang kaniyang damit-pangkasal bago ang kasal?

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing siyam na taong naging magkarelasyon sina Donald at Jeanne Amores bago ito humantong sa kasalan sa simbahan.

Sa araw ng seremonya kung saan magpapaalam na ang bride na si Jeanne sa kaniyang mga magulang, kinilabutan ang photographer nilang si Charles Laboris nang makita niya na pugot ang ulo ni Donald sa isang larawan.

"Ayoko pa pong mabiyuda," sabi ni Jeanne.

Bago nito, marami ang nakapansin sa larawan ni Donald na nakamotor habang may nakasulat na karatula sa kaniyang likod: "Mauna ka na sir kung nagmamadali ka. Padahan-dahan lang po ako kasi ikakasal pa ako ngayong buwan."

Dahil dito, may mga nagmagandang loob na pahiramin sina Donald at Jeanne ng mga damit, at ang kanilang entourage.

Sa pananabik ni Jeanne sa araw ng kaniyang kasal, nalimutan niyang sundin ang pamahiin ng mga matatanda na huwag isukat ang wedding dress dahil may mangyayaring masama.

Sa mismong araw ng kasal, nagkasunod-sunod na ang mga pangitain umano nang biglang maputol ang sandalyas ni Jeanne.

Bago rin ang kanilang kasal, naabutan nila sa simbahan na may misa ng patay. Bilang pamahiin, hindi muna sila lumabas at nanatili sa van, at hinintay na makaalis ang karo ng patay.

Ayon naman sa photographer na si John Lloyd Mabuyo, halos wala silang magaganda at blurry ang mga kuha.

"Lumapit sa akin ang photographer, sabi niya 'Sir may ipapakita sana ako sa iyo, pero saka na lang kasi araw ng kasal niyo. Ayaw kong masira ang kasal niyo," sabi ni Donald.

"'Yung kaba ng dibdib ko, hindi ko maintindihan. Tinapik niya 'yung balikat ko. Kinaumagahan nag-chat siya sa akin, finorward niya sa akin ang picture," dagdag ni Donald.

Mas kinilabutan pa si Donald nang ipapanood sa kaniya ang video sa eksaktong anggulo kung saan nakuhaan siya ng litrato.

Sa video, makikita pa ang ulo ni Donald bago lumapit kay Jeanne. Pero pagka-mano ni Donald sa mga magulang ng dalaga, doon na siya nakuhanan na tila pugot ang kaniyang ulo.

"Tumayo lahat ng balahibo ko. Natakot po talaga ako. Kaba ng dibdib ko parang 'di ko na maintindihan," sabi ni Donald.

Isa nga bang senyales ang larawan ng tila pugot na ulo ni Donald na may mangyayaring hindi maganda sa bagong kasal? Ano nga ba ginagawa upang makontra umano ang masamang pangitain na ito.

Panoorin ang video at alamin ang paliwanag ng photographer tungkol sa nakakakilabot niyang larawan ng groom. --FRJ, GMA News