Kinaantigan ng netizens ang kabutihang-loob ng isang mag-asawang pasahero ng MRT-3 na nagbigay ng tulong sa isang ama na karga ang kaniyang batang anak na maysakit.

Sa video ni Cherelyn Diaz Respecia, na iniulat din sa GTV Balitanghali nitong Biyernes, makikita ang mag-ama na katabi ang mag-asawa na curious sa kondisyon ng batang maysakit.

Patungong ospital ang mag-ama para sa checkup ng babaeng sanggol na isa't kalahating taong gulang pa lang.

Nag-usap ang mag-asawa, hanggang sa pasimpleng dumukot ng pera sa wallet ang mister at saka ito iniabot sa ama ng bata.

Ayon sa uploader, nag-video siya para lang sana kunan ang kaniyang mag-ama, ngunit tiyempo namang nangyari ang nakaaantig na tagpo sa ipinakitang kabutihan ng mag-asawa.

May mahigit siyam na milyong views na ang video sa Facebook, ayon sa ulat. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News