Tumama ang napakalakas na lindol sa central Myanmar nitong Biyernes. Ang pagyanig ng lupa, umabot hanggang sa Thailand na nagpaguho sa isang ginagawang 30-storey building sa Bangkok.

Ayon sa United States Geological Survey (USGS), may lakas na 7.7 magnitude at lalim na 10 km (6.2 miles) ang naganap na lindol.

Ang sentro ng lindol ay nasa 17.2 km mula sa lungsod ng Mandalay, Myanmar na may populasyon na 1.5 milyon.

"We have started the search and going around Yangon to check for casualties and damage. So far, we have no information yet," ayon sa  Myanmar Fire Services Department na nakuha ng Reuters.

Sa social media posts mula sa Mandalay, makikita ang mga gumuhong gusali pero hindi pa ito kaagad maberipika ng Reuters.

Ayon sa isang saksi, "We all ran out of the house as everything started shaking. I witnessed a five-storey building collapse in front of my eyes. Everyone in my town is out on the road and no one dares to go back inside buildings."

Sinabi rin ng mga nasa lugar na naglabasan ng gusali ang mga tao nang maganap ang lindol.

Sa katabing bansa na Thailand, sinabi ng saksi sa Bangkok na maraming tao ang nagtakbuhan patungo sa kalsada.

Kasama na rito ang mga guest sa mga hotel, na ang iba ay bumaba nang nakasuot ng bathrobes at pang-swimming.

Sa hiwalay na ulat ng Agence France-Presse, sinabing isang itinatayong 30-storey building ang napulbos sa Bangkok matapos na gumuho.

Ayon kay Deputy Prime Minister Phumtham Wechayachai, tatlong trabahador na kumpirmado nang nasawi, at may 81 pang pinaniniwalaang naipit sa mga guho.

Sinusuri naman ng mga rescuer ang sitwasyon ng gumuhong gusali para sa gagawing rescue mission.

"I heard people calling for help, saying 'help me'," sabi ni Worapat Sukthai, deputy police chief ng Bang Sue district. "We estimate that hundreds of people are injured."

Nagmamadali rin umanong naglabasan ang mga tao papunta sa kalsada sa Bangkok at northern tourist destination ng Chiang Mai, na nagkaroon pa ng sandaling pagkawala ng kuryente.

"I quickly rushed out of the shop along with other customers," ayon kay Sai, 76-anyos, na nagtatrabaho sa isang minimart sa Chiang Mai nang maramdaman ang pagyanig.

"This is the strongest tremor I've experienced in my life," sabi niya. -- mula sa ulat ng Reuters/Agence France-Presse/FRJ, GMA Integrated News