Nasawi ang isang 50-anyos na babae matapos siyang pagbabarilin ng dalawang lalaki sa Malabon. Ang biktima, ilan beses pang pinutukan kahit nakatumba na, at kinunan pa ng larawan.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV footage na tila nagpanggap na mga kostumer ng tindahan ang dalawang lalaki sa Barangay Tonsuya noong Linggo.
Maya-maya lang, dumating ang biktima na dala ang kaniyang bike at kinausap siya ng isa sa mga lalaki.
Ngunit ang isa pang suspek, bumunot ng baril at malapitang binaril sa ulo ang biktima na kaagad na bumagsak.
Naglabas din ang baril ang isa pang suspek at muling pinagbabaril ang biktima bago naglakad paalis.
Matapos ang pamamaril, bumalik pa ang isa sa mga gunman at nilitratuhan ang nakahandusay na biktima.
"May mga grupo po kasi itong mga ito ma'am. So for confirmation of identity, pini-picture-an nila at sinasabi nila sa mga kagrupo nila na tapos na 'yung trabaho nila kung sila ay inutusan lang," sabi ni Police Captain Lalaine Almosa, Acting Chief ng Malabon Police Investigation and Detective Management Section.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na may kinalaman sa droga ang motibo sa pamamaril.
"Based sa salaysay ng anak niya ma'am ay onsehan daw po ng droga. May mga nagbabanta daw po sa buhay niya," sabi ni Almosa.
Dalawang beses na ring nakulong ng biktima dahil sa pagkakadawit niya umano sa ilegal na droga.
Ilang oras pagkaraan ng pamamaril, nadakip ng pulisya ang isa sa mga suspek.
Natuklasang nahuli na rin ang 26-anyos na suspek nitong buwan dahil naman sa slight physical injuries, grave threats at illegal possession of firearms.
Itinanggi ng suspek ang akusasyon ng pamamaril. Ngunit ayon sa pulisya, nagpositibo ang suspek sa parafin test.
Tinutugis pa ang isang lalaking kasama sa pamamaril.
Reklamong murder ang kakaharapin ng dalawang suspek.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News