Patay matapos barilin habang naglalakad ang isang negosyanteng babae sa Taguig na kagagaling lang sa barangay hall para ipa-blotter ang natanggap niyang mga banta sa buhay.
Sa ulat ni Nimfa Ravelo sa Super Radyo dzBB nitong Biyernes, sinabing nangyari ang krimen kaninang bago magtanghali sa Barangay Western Bicutan sa Taguig.
BASAHIN: Babae, nahuli-cam na ilang ulit pinagbabaril kahit nakatumba na sa Malabon
Ayon sa Southern Police District, lumitaw sa imbestigasyon na galing ng barangay hall at pauwi na ang 54-anyos na biktima nang barilin siya habang naglalakad ng nakatakas na salarin sa Sampaguita St., dakong 11:45 am.
Nagtungo umano sa barangay hall ang biktima para isumbong ang dalawang pagbabanta sa buhay na natanggap nito mula sa dalawang lalaki sa pamamagitan ng tawag sa telepono at sulat.
Ginang na nagpa-blotter sa barangay sa Western Bicutan, Taguig dahil sa mga natatanggap na death threat, patay matapos pagbabarilin | via @nimfaravelo pic.twitter.com/Pic7PT7pVy
— DZBB Super Radyo (@dzbb) March 28, 2025
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at sinusuri na ang mga nakalap na CCTV footage na posibleng makatulong sa paglutas sa krimen. --FRJ, GMA Integrated News