Nakunan sa video ang biglang pagkahimatay ng isang babaeng naglalakad sa kalsada dahil umano sa labis na stress. Ang babae, nagkuwento sa pangyayari at ang kaniyang kalagayan noong mangyari ang insidente. Anu-ano nga ba ang mga dapat gawin para maiwasan ang stress?

Sa Unang Hirit nitong Biyernes, ikinuwento ni Sherlyn Ariones-Peña na pauwi na siya noon bandang 8:30 p.m. nang may maamoy siyang strong chemical kaya siya nahirapang huminga at manigas ang kaniyang kamay.

Ngunit bukod dito, stressed at puyat din siya nang mangyari ang insidente na bigla na lang siyang nawalan ng malay habang naglalakad.

“Actually, opo,” pag-amin ni Ariones na madalas siyang pagod at stressed. Mga limang minuto raw siyang nag-passed out.

Pagka-checkup, normal naman ang findings sa kaniya ng doktor kaugnay sa isinagawang mga test.

“‘Yung nabanggit niya, hyperventilation syndrome, may kinalaman din sa panic disorder, very much related sa generalized anxiety disorder. Lahat lang ito, ang common ay mga atake or biglaang bugso or sikdo ng sintomas ng panic,” paliwanag ni Dra. Corazon Angela Cuadro, MD, FPPA, isang general adult psychiatrist.

Kinumpirma ni Cuadro na konektado ang naamoy na kemikal ni Ariones sa biglaan niyang pagkahimatay. Ayon sa kaniya, hindi minsan identifiable ang mga trigger o stimulus ng panic na tinatawag na “autonomic” o “automatic,” gaya ng panlalamig at nanginginig na hindi maintindihan, kakaiba sa paghinga at kung ano-ano pang nararamdaman sa katawan.

“‘Yung panic attacks, siyempre it's normal for all of us to react with panic na tugma doon sa sitwasyon. Pero ang problematic, grabe na ‘yung bumubulagta, or apektado na ‘yung functioning or trabaho,” paliwanag niya.

Humingi ng payo si Peña kay Cuadro kung paano maiiwasan ang stress.

“So makakatulong ‘yung relaxation techniques, kagaya ng mga breathing exercises, uso ngayon ‘yung mga mindfulness-based relaxation techniques. May tulong din ang samot saring gamot, may mga emergency medications, may maintenance or long-term medication. So, combo siya,” anang doktora.

“Siyempre, kung hangga't maaari, iiwasan natin. Pero, we can only avoid that so much. So, ang tututukan natin sa stress management, ‘yung kani-kanyang pagkaya or coping or soothing mechanisms,” dagdag niya.

Tunghayan sa Unang Hirit ang isang simpleng breathing exercise para malaman kung tama ang paghinga. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News