Ngayong simula na ng tag-init, patok na naman ang mga summer destination sa Pilipinas, gaya ng Bohol at Siquijor para makapag-relax at magpalamig.

Sa programang Unang Hirit nitong Huwebes, mapanonood ang TikTok entry ng fun dive guide na si Shem Cuaco na tila nakikipag-bonding sa sangkaterbang mga isdang sardinas sa Bohol.

Bukod dito, sumabay din siya sa paglangoy sa mga butanding at iba pang mga isda.

Umaabot na ang kaniyang videos ng mahigit limang milyong views.

Viral naman ang pag-fairy swing ni Anne Curtis sa Siquijor, na umabot na ng milyon-milyong views.

Kinagiliwan din ang entry ni Marillyn Sallao na kamuntikang masipa ang kaniyang mga kaibigan nang gayahin niya ang fairy swing ni Anne. May mahigit 1.9 milyong views na ito online.

Mala-sirena naman ang pag-swing ng free diving instructor na si Mark Dizon, na may suot na pang mermaid tail, bago siya tuluyang mag-dive.

Ayon kay Dizon, lagi niyang dala-dala ang kaniyang mermaid tail para sa iba't ibang challenge na kaniyang kinakasahan.

May mahigit 800,000 views na ang kaniyang video.-- FRJ, GMA Integrated News