Hindi naiwasan ni Elle Villanueva na maging emosyonal nang sariwain ang kaniyang near-death experience sa Switzerland habang nagbabakasyon doon.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing kasama ni Elle ang nobyong si Derrick Monasterio nang magpunta sa Switzerland.
“Kasi peak ‘yun eh. So akala ko, mapupunta na ako sa pinakababa or maybe malaglag na lang talaga ako or hindi ko alam. Akala ko last moments of my life na ‘yun, but at the same time nasa survival mode ako na naghahanap ako ng makakapitan,” saad ni Elle.
Sinabi ni Elle na labis siyang kinabahan sa naturang insidente habang naghahanap ng makakapitan.
“‘Pag nakita mo talaga ‘yung video, parang pinakita talaga sa ‘kin ni Lord kung ano ‘yung itsura ko kung mamamatay ako. So parang I think this is Him telling me na I need to appreciate life more. Life-changing talaga siya, Ms. Aubrey, parang it’s a message na binigay talaga sa ‘kin ni Lord,” sabi pa niya.
Kung labis na takot na naranasan niya sa Switzerland, nasilayan naman ni Elle at Derrick ang nakamamanghang Northern Lights sa Iceland na pinuntahan din nila.
Ngayon, balik-trabaho na si Elle at makakasama siya sa bagong yugto ng “Lolong: Bayani ng Bayan,” kung saan gagampanan niya ang karakter ni Tetet, na bagong love interest ni Lolong, na ginagampanan ni Ruru Madrid.
“Isa siyang waitress sa isang bar. Napakasipag niya. Madiskarte siyang tao,” paglalarawan niya sa kaniyang karakter.
Mapapanood ang “Lolong: Bayani ng Bayan” sa weekdays sa ganap na 8 p.m. pagkatapos ng "24 Oras" sa GMA Network. —FRJ, GMA Integrated News