Nakapasok sa kuwarto ng isang mag-asawa at pumuwesto pa sa kama ang isang malaking reticulated python o sawa sa Bacolod City.
Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabing naganap ang insidente madaling araw ng Huwebes sa nirerentahang kuwarto ng mag-asawa.
Hindi na ginalaw ng mag-asawa ang sawa at hinintay na lang nilang lumabas itong muli ng kanilang kuwarto na may kalapit na ilog.
Sinabi ng Department of Environment and Natural Resources, na maaaring dulot ng matinding init kaya umalis sa kaniyang natural na tirahan ang sawa ang nagpalamig sa ibang lugar.
Ipinagbabawal sa ilalim ng Wildlife Resources Conservation and Protection Act ang pananakit at pagpatay sa wildlife species tulad ng sawa. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News