Matagumpay na naakyat ng tinaguriang "French Spider-Man" ang pinakamataas na skyscraper sa Barcelona, Spain, kasama ang kaniyang anak.
Sa ulat ng “Unang Balita” nitong Martes, sinabing kaiba ang naging karanasan ni Alain Robert kumpara sa mga nakaraan niyang stunts, dahil kasama niya ang anak na si Julien sa pag-akyat.
Hindi raw maiwasang mangamba ni Alain dahil unang pagkakataon itong ginawa ni Julien.
Sa kabila ng pag-aalala, naakyat ng mag-ama ang skyscraper sa loob ng halos isang oras.
Sinalubong sina Alain at Julien ng pulisya sa itaas at in-escort-an pababa ng gusali.
Aminado si Julien na natakot din siya sa pag-akyat noong una, pero napanatag din dahil kasama niya ang kaniyang ama. — Jamil Santos/VBL, GMA News