Kakaibang hanapbuhay ang naisip ng isang lalaki sa Japan. Puwede siyang rentahan o upahan ng mga taong nais ng kasama. Pero may mga bawal gaya ng anoman na may kinalaman sa kamunduhan.
Sa ulat ng Reuters, sinasabing naniningil si Shoji Morimoto, 38-anyos, ng 10,000 yen ($71) per booking para samahan ang kaniyang kliyente na gusto lang ng "companion" o makakasama.
"Basically, I rent myself out. My job is to be wherever my clients want me to be and to do nothing in particular," sabi ni Morimoto na umabot na raw sa 4,000 ang sessions sa nakalipas na apat na taon.
Inilarawan na balingkinitan lang at "average" ang hitsura ni Morimoto. Pero marami siyang follower sa Twitter kung saan nanggagaling ang karamihan ng kaniyang mga kliyente. Ilan sa kaniyang mga kliyente ay "repeat customers," at may isa na 270 ulit nang kinuha ang kaniyang serbisyo.
Ilan sa mga karanasan niya sa trabaho ay samahan ang kliyente para maglaro ng see-saw sa parke. May nagrenta rin sa kaniya para kumaway sa bintana ng tren sa taong hindi niya kilala bago umalis.
Pero may mga booking na tinatanggihan si Morimoto. Gaya ng nais siyang rentahan para makasama sa Cambodia, mag-usog ng refrigerator, at ano mang may kinalaman sa sexual nature.
Noong nakaraang linggo, may nag-book kay Morimoto at sinamahan niya para magmiryenda.
Ayon kay Aruna Chida, 27-anyos na data analyst, nais niyang magsuot ng Indian garment sa harap ng publiko pero nag-aalala siya na baka mapahiya siya sa kaniyang mga kaibigan. Kaya si Morimoto na lang ang kaniyang isinama.
"With my friends I feel I have to entertain them, but with the rental-guy (Morimoto) I don't feel the need to be chatty," paliwanag ni Chida.
Bago magkaroon ng COVID-19 pandemic, umaabot sa tatlo hanggang apat ang kliyente ni Morimoto. Ngayon ay nasa isa hanggang dalawa na lang.
Ito rin ang pangunahin niyang pinagkakakitaan para suportahan ang kaniyang asawa at anak.
Dati raw nagtatrabaho si Morimoto sa isang publishing company at madalas daw siyang mapagalitan dahil wala siyang ginagawa.
"I started wondering what would happen if I provided my ability to 'do nothing' as a service to clients," aniya.
Kaya ngayon, kahit wala siyang gawin, walang magagalit at kumikita pa siya.
"People tend to think that my 'doing nothing' is valuable because it is useful (for others) ... But it's fine to really not do anything. People do not have to be useful in any specific way," dagdag niya. —Reuters/FRJ, GMA News