Hindi inasahan ng isang lalaking promodizer at isang babaeng nagsa-shopping na panonoorin ng mga tao at magba-viral online ang kanilang impromptu duet sa isang mall sa Cebu.

Sa ulat ni Jamie Santos sa Unang Balita nitong Huwebes, mapapanood sa isang video ng Cebu-South Travel Vlog, na nagmistulang mall show ang duet nina John Saban at Riolyn Tuhay.

"Biglaan lang po. Hindi po kasi kami nag-expect na kakanta kami," sabi ni Riolyn.

"A few days po na magbu-boom talaga 'yung video namin. Hindi ko po inaasahan sir na ganoon kadami 'yung manonood. Paglingon ko sa likod ko, ang dami," sabi ni John.

Suki na si Riolyn ng mga singing contest mula pa noong siyam na taong gulang pa lamang siya.

Minana ni Riolyn ang hilig niya sa pagkanta mula sa kaniyang lolo.

Halos tatlong taon naman nang promodizer si John at natutong kumanta dahil singer din ang kaniyang tatay.

Nagkaroon pa ng Part 2 ang kanilang instant duet.

Dahil dito, plano na nina Riolyn at John na ituloy na ang kanilang singing career na magkasama.

"Kung ito na po 'yung binigay talaga ng Panginoon sa amin, ito na po 'yung start, itutuloy po namin ito hanggang sa huli," sabi ni John.

Itinuturing nina Riolyn at John ang kanilang duet bilang kanilang big break.

"Dapat seryoso ang kanta dahil hindi 'yon para sa mga tao, para 'yon sa Panginoon," sabi ni Riolyn.

"Para maging perfect 'yung kanta, dapat isasapuso mo talaga 'yung kanta mo," sabi ni John.--Jamil Santos/FRJ, GMA News