Kamangha-mangha ang nadiskubre ng mga minero ang isang napreserba o mummified na baby woolly mammoth na nabuhay noong panahon ng Ice Age sa Yukon, Canada.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing tila mas mahalaga pa sa ginto ang natagpuan ng mga minero dahil kumpleto pa ang katawan ng nasabing hayop.
Maaari itong ituring na "best preserved" woolly mammoth na nadiskubre sa North America.
Sinabi ng mga eksperto na posibleng 30 hanggang 35 na araw pa lang ang edad ng baby mammoth nang mamatay ito-- 30,000 hanggang 40,000 taon na ang nakalilipas.
Nadiskubre ang katawan ng mammoth sa permafrost, o layer ng Earth na permanenteng nagyeyelo.
Pinangalanan itong "Nun cho ga," na big baby animal ang ibig sabihin sa lenggwahe ng Hän.
"Nun cho ga is beautiful and one of the most incredible mummified ice age animals ever discovered in the world. I am excited to get to know her more," sabi ni Dr. Grant Zazula, isang Yukon paleontologist.
Samantala sa Algarrobo, Chile, hindi naman sinasadya ng isang babae na madiskubre ang buto ng isang Elasmosaurus, isang reptile na nabuhay 40 milyong taon ang nakalilipas.
Nabuhay ang Elasmsaurus noong Upper Cretaceous period.
Matapos madiskubre ang bahagi ng buto, madalas nang pumupunta sa dalampasigan ang ilan pang kababaihan para mangolekta ng extinct nang reptilya.--FRJ, GMA News