Mabilis na sumagwan ang isang mangingisdang vlogger matapos siyang habulin ng malaking isda na una niyang inakala na mga pating habang pumapalaot siya sa Amlan, Negros Oriental.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, na mapapanood din sa GMA News Feed, sinabing pumalaot si Gary Sabanal para manghuli ng tulingan, tuna, at talakitok.
Tahimik ang pangingisda ni Sabanal sa umpisa, hanggang sa may lumitaw na palikpik ng malaking isda sa tubig.
Kaagad na sumagwan palayo si Sabanal, pero tila hinabol siya ng mga isda.
Ang isa sa mga ito, nagawa pang makalapit sa kaniyang likuran.
Nawala rin kalaunan ang mga pating matapos makalapit si Gary sa iba pang mga bangka.
Sa kabutihang palad, hindi na lumapit pa ang isda dahil siguradong babaligtad ang kaniyang bangka kung nagkataon.
"Alam ko na hindi siya kumakain ng tao pero kung ganoon kalaking mga isda, tapos maliit ang iyong bangka, nkapag nabangga ka, lulubog ka at masisira ang iyong mga gamit," sabi ni Sabanal.
Nalaman naman ni Sabanal kinalaunan na hindi pating kundi butanding o whale sharks na naghahanap ng pagkain ang humabol sa kaniya.
Hindi mapanganib sa mga tao ang butanding dahil mga plankton at maliliit na isda lamang ang kinakain ng mga ito.
Mga filter feeder ang whale shark kaya hindi rin sila posibleng makakain o makapanakit ng tao.
Pakiusap ni Gary at marine conservationists na huwag sasaktan ang mga butanding dahil hindi sila mapanganib sa mga pumapalaot. —VBL/FRJ, GMA News