Nahuli sa Maynila ang dalawang lalaking sangkot umano sa basag-kotse modus na tumangay ng mga gadget at mahigit P100,000 mula sa isang sasakyan sa General Trias, Cavite.
Sa ulat ni CJ Torida ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Martes, makikita ang pagharang ng mga operatiba sa isang motorsiklo na minamaneho pala ng isa sa mga suspek sa Tondo.
Nadakip naman ang kasabwat ng rider sa isang hotel sa Quiapo.
Ayon sa mga awtoridad, nakuha ng mga suspek ang dalawang bag na naglalaman ng mga kagamitan at pera.
Nahaharap sa karampatang reklamo ang mga suspek, na hindi nagbigay ng kanilang pahayag. —Jamil Santos/KBK, GMA Integrated News