Sinabi ng ilang kongresista na si Vice President Sara Duterte ang dapat sisihin at hindi ang mga mambabatas kapag nawalan ng trabaho ang nasa 200 kawani ng kaniyang tanggapan na Office of the Vice President (OVP) dahil sa hindi nito pagsipot at pagdepensa sa kaniyang 2025 budget habang sinusuri ng Kongreso.

Ang pahayag ay ginawa ni House good government and public accountability panel vice chairman Jefferson 'Jay' Khonghun, matapos sabihin ni Duterte na posibleng mawalan ng trabaho ang nasa 200 tauhan ng OVP dahil sa P733 milyon lang ang inaprubahang budget ng Kongreso sa kaniyang tanggapan, malayo sa mahigit P2 bilyon na orihinal nilang hinihingi para sa 2025.

Unang inaprubahan ng mga kongresista sa Kamara de Representantes ang P733 milyon na pondo ng OVP matapos na hindi sumipot si Duterte sa mga pagdinig sa paghimay sa OVP budget.

Sa halip na dumalo, nagpadala na lang ng sulat ang OVP para ipaliwanag ang hinihinging pondo.

Ngunit iginiit ng mga kongresista na may mga tanong na kailangan munang sagutin ng bise presidente patungkol sa paggamit ni Duterte sa mga nagdaan nitong pondo.

Hindi rin sumipot sa Senado si Duterte nang himayin na ng mga senador ang OVP budget para sa 2025 kaya kinopya na lang ang pondong inaprubahan ng mga kongresista.

May pagkakataon pang madagdagan ang pondo ng OVP sakaling talakayin ito sa bicameral conference committee na binubuo ng ilang piling kongresista at senador.

“Responsibility niya ‘yun (200 OVP employees). Dahil kung humarap siya sa Congress at ipinagtanggol niya 'yung budget niya at jinustify niya 'yung budget niya, hindi mawawalan ng trabaho 'yung mga tao ngayon. So, it's her responsibility. Bakit niya ipapasa sa Kongreso?” paliwanag ni Khonghun sa press conference nitong Lunes.

“Binigyan namin siya ng pagkakataon para ipaglaban, i-justify 'yung kanyang budget. The problem is, hindi na jinustify ‘yung budget niya. Sinabi niya, bahala ang Kongreso. Ilang beses siya inimbitahan, hindi siya umattend, hindi siya pumunta para i-justify ang kanyang budget. And yet, pagkatapos, ibabalik niya sa Kongreso ‘yung mawawalan ng trabaho?” dagdag ng mambabatas.

Ayon naman kay La Union Representative at Deputy Majority Leader Paolo Ortega V, posibleng sanang nag-iba ang kapalaran ng 200 kawani ng OVP kung sumipot lang si Duterte sa pagdinig at ipinagtanggol ang pondo ng kaniyang tanggapan.

“Baka nadagdagan pa [ang budget nila kung dinepensahan niya],” ani Ortega.

Iginiit ng mga mambabatas na kailangang malinawan ang paggamit ng mga tanggapan sa kanilang mga pondo para matiyak na nagagamit ito nang tama.

“We need transparency and accountability on government funds, and we have seen how the OVP and the Vice President avoided such transparency and accountability in spending government funds. Papaano pa natin sila pagkakatiwalaan?,” ayon kay Khonghun.

“There is this problem with the employment of 200 OVP personnel because there are already issues on how they use their budget and their low utilization rate. How can we increase their budget given such a situation? Common sense would dictate that if their funds are underutilized, they are not being efficient in their jobs and implementing their office’s programs,” dagdag naman ni Ortega.

Sa mga ginawang pagdinig ng Kamara tungkol sa pondo ng OVP, mismong ang Commission on Audit ang nagpahayag ng pag-aalinlangan tungkol sa paraan ng pag-liquidate ng OVP sa pondo nito noong 2023.

Sinisikap pa ng GMA News Online na makuhanan ng panig ang OVP.

Pero dati nang sinabi ni Duterte na may bahid ng pamumulitika at panggigipit sa kaniya ang ginagawang pagdinig sa pondo ng OVP.— mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News