SARIAYA, Quezon - Arestado sa drug buy-bust operation ng Sariaya Municipal Police Station nitong Sabado ang dalawang binata na residente ng Candelaria, Quezon.
Nakuha sa mga suspek ang higit isang kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang posibleng umabot sa P20 milyon ang halaga.
Ayon sa hepe ng Sariaya Municipal Police Station na si Police Lieutenant Colonel Carlo Caceres, isang pulis ang nagpanggap na buyer ng droga sa mga suspek.
Nang maiabot na ang biniling droga ay saka inaresto ang mga suspek.
Napag-alaman ng mga pulis na ang isang suspek ay delivery rider ng isang kilalang online shop.
Ginagamit daw nito ang kanyang pagiging delivery rider sa pagtutulak ng droga.
Posibleng inakala raw ng mga suspek na abala ang mga pulis sa paghahanda sa bagyon at hindi sila matutunugan.
Nasa kustodiya ng Sariaya Municipal Police Station ang dalawang suspek. Sinubukan ng GMA Integrated News na makuha ang kanilang pahayag subalit tumanggi ang mga ito.
Nahaharap sila sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —KG, GMA Integrated News