Dobleng sakit ang naranasan ng isang babae matapos siyang dalawang beses na operahan nang pumalpak ang bunot sa kaniyang "wisdom tooth."
Sa video ng GMA News Feed, sinabing namaga at nagkaroon ng nana sa leeg ng babaeng itinago sa pangalang "Rhian," nang pumalpak ang dentista na pinuntahan niya sa San Juan para alisin ang kaniyang wisdom tooth.
Tatlong daw na hindi nakakain ang babae dahil sa nangyari sa kaniyang leeg na namaga at sumakit din ang kaniyang lalamunan.
Nang suriin sa x-ray, lumitaw na ang wisdom tooth na inakala niyang nabunot na ng dentista, bumaon pa lalo kaya namaga ang kaniyang leeg.
“Noong tinatanggal na niya iyong ngipin ko, nagtaka ako kasi parang buo niyang tinanggal,” ani Rhian. "E yung kabilang ngipin ko noong tinanggal nang dati kong dentist, sinection niya."
Idinahilan daw sa kaniya ng bago niyang dentista na mas maganda raw kung buo niyang tatanggalin ang ngipin niya.
Pero nang isinasagawa na ang operasyon, napansin daw niyang nagbago ang hitsura ng mukha ng dentista.
“Natakot ako, ang ginawa ko pumikit na lang ako,” anang pasyente. “Bigla niyang sinabi, ayun buti na lang natanggal ko na.”
Pero pagkaraan ng ilang linggo matapos ang naturang pagbunot, nagsimula nang mamaga ang leeg niya. Nang sabihin niya ito sa dentista, niresetahan lang siya ng antibiotics at vitamins.
Nang hindi pa rin nawala ang pamamaga, hindi na raw niya makontak ang dentista.
Ayon sa oral surgeon Gerald Hernandez, hindi talaga naalis ang wisdom tooth na dapat ay bubunutin. Nawala ito sa puwesto at nabasag ang bahagi ng buto sa panga ng pasyente.
“Mukhang pinuwersa nang malakas iyong ngipin during binubunutan siya kaya nag-break off iyong buto doon sa banda likod noong ngipin kaya na-displace siya papunta sa submandibular space. Since nabasag iyong buto sa likod, na-shoot iyong ngipin papunta sa loob,” paliwanag ng duktor.
Naalis na ang nginip na nawala sa puwesto pero nag-iwan ito ng matinding trauma kay Rian.
Payo ni Hernandez sa mga kapuwa dentista, “We should know our limitations in our practice and skills to avoid complications like this.” – FRJ, GMA News