Mula pa noong 1990s, pinapaniwalaan na extinct o naubos na ang "Philippine Sambar," o Marinduque brown deer sa nabanggit na lalawigan. Pero ngayon, muling nagbalik ang naturang uri ng usa sa kabundukan ng Marinduque.
Sa ulat ni Dianne Loquillano sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Miyerkules, sinabing isang residente ang nagbigay ng impormasyon na nakuha ng Marinduque Animal and Wildlife Rescue Emergency Response Team, tungkol sa usa na inakalang naubos na sa kabundukan ng lalawigan.
Nakita raw ng residente ang usa nang magawi ang hayop sa kanilang taniman sa kabunduan.
Ayon kay Dr. Jose M, Victoria, Provincial Veterinarian ng Mariduque, inakalang naglaho na sa lalawigan ang naturang uri ng usa kaya nakikiusap siya sa mga tao na huwag itong gagalawin at papatayin.
"Mula kalagitnaan ng 1990's hanggang sa huling bahagi ng 1990's, napaulat naextinct na raw yung ganyang uri ng hayop dito sa Marinduque," ani Voctoria.
"Iyan ay pagpapatunay na yung hinala nila na extinct na yung usa dito sa Marinduque ay kabaligtaran," dagdag niya.
Pinakiusapan ng Marinduque Animal and Wildlife Rescue Emergency Response Team, ang mga residente sa lugar na huwag huhulihin o sasaktan ang naturang hayop at bugawin lang ang mga ito palayo kapag nasa kanilang taniman.
Hindi rin ipinapayo na hulihin at ilipat sa ibang lugar ang usa dahil liliit umano ang tiyansa nitong mabuhay kapag inalis sila sa kanilang natural na tirahan.
"Kung maaari bugawin na lang. Hindi namin ina-advise na yung mga ganoong uri ng hayop ay hulihin at i-relocate. Kasi 'yon yung kanilang natural na pamahayan. Kung huhulihin sila, lumiliit yung tiyansa na mag-survive sila sa paglilipatan," paliwanag ni Victoria.
Nakipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan at DENR para magkaroon ng masusing pag-aaral sa lugar para mapangalagaan ang mga usa sa kabundukan ng Marinduque.
Ayon sa ilang nagmamalasakit na residente, may mga nanghuhuli ng usa sa ibang barangay kahit nasasakop ng wildlife sanctuary.
Kaya nanawagan si Victoria sa publiko na huwag hulihin o patayin ang anumang wildlife na makikita sa kabundukan ng Marique katulad ng nasabing mga usa, maging ang mga baboy ramo at mga hindi pagkaraniwang ibon gaya ng kalaw. --FRJ, GMA News