Namangha at nadagdagan ang iniisip ng mga tao nang makita nilang nakasabit sa mga kawad ng kuryente ang isang motorsiklo sa Cagayan de Oro City. Paano nga ba napunta sa mga kawad ng kuryente ang motorsiklo?
Sa ulat ni James Paolo Yap ng GMA Regional TV One Mindanao, sinabing naka-display lang ang motorsiklo sa gilid ng Labasan Highway bago mangyari ang insidente.
Isinalaysay ng guwardiya ng motorcycle dealer shop na may dumaan na container truck at sumabit ito sa mga kable ng kuryente. Nahatak nito ang mga kable hanggang sa lumaylay sa lupa.
Nahagip ng mga kawad ang naka-display na motorsiklo. Kaya nang muling umangat ang mga kable, nakasama pati ang motorsiklo at naiwan ito sa itaas.
Napinsala rin ang isang gusali at nabasag ang mga salamin nang matumba ang isang poste.
Iniwan ng driver ang minamanehong truck sa kalsada at tumakas.
Tumagal ng ilang oras na nakasabit ang motorsiklo sa mga kawad ng kuryente, at naalis lang nang dumating ang boom truck mula sa Roads and Traffic Administration at City Engineer's Office.--Jamil Santos/FRJ, GMA News