Mistulang maliit na jeep ang "bamboo fourcycle" na agaw-pansin sa kalsada sa San Juan, Batangas.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, napag-alaman na ang "fourcycle" ay dating motorsiklo na ginawa ng namayapang padre de pamilya ng mga Trivino sa Barangay Quipot.

Ayon kay Erwin, sadyang malikhain daw ang kanilang ama na si Obedias na pumanaw na noong 2018.

"Unang pag-iisip [ng ama] kung paano mailalagay ang kawayan sa chasis na bakal para matibay," ani Erwin.

Dinagdagan ng gulong ang dating motorsiklo upang makapagsakay ng lima hanggang pitong tao.

Pero paglilinaw ni Erwin, hindi nila ipinapasada ang bamboo fourcycle, na maging ang dayuhang nakakita ay humanga umano sa abilidad ng mga Pinoy.

Ikinatuwa rin ng isang opisyal ng Land Transportation Office-Region 4-A ang pagiging malikhain ng pamilya pero nagpaalala sila tungkol sa usapin ng kaligtasan nito sa kalsada.

"Hindi siya safe to be used for carriage of passengers on a daily basis and to be used on major thoroughfares or major roads natin," sabi ni Atty. April Casabuena, Assistant Regional Director, LTO-4-A.

"We do understand naman sa LTO na it's a good innovation. We recognized the use of indigenous materials," dagdag ng opisyal.--FRJ, GMA News