Unang inakalang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili ang isang ama sa Florida, USA. Pero lumitaw na aksidente palang nabaril ng kaniyang dalawang-taong-gulang na anak ang biktima.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing binawian ng buhay sa ospital noong Mayo 26, ang biktimang si Reggie Mabry, 26-anyos, ng Central Florida.

Ayon kay Orange County Sheriff John Mina, rumesponde ang mga pulis dahil sa tawag sa Emergency 911 dahil sa pagkakabaril kay Mabry sa loob ng kanilang bahay.

Ang asawa ng biktima na si Marie Ayala ang nagsagawa ng life saving measures para mailigtas ang mister habang hinihintay ang paramedics.

May tama ng bala sa likod si Mabry at inakalang suicide attempt ang nangyari.

Ngunit sinabi ng limang taong gulang na anak ng mag-asawa na ang nakababata niyang kapatid na dalawang taong gulang ang nakabaril sa kanilang ama.

Nadala pa sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay.

Ayon sa mga awtoridad, lumitaw sa imbestigasyon na madaling makukuha ng mga bata ang baril.

Sinabi ni Marie sa mga imbestigador na madalas na itinatabi lang ang baril sa isang backpack na iniiwan lang sa sahig ng kanilang bahay.

Kung minsan, inilalagay lang ang baril sa ilalim ng unan.

Napag-alaman din na parehong under probation ang mag-asawa dahil sa kasong narcotics at child neglect kaya dapat ay bawal silang magkaroon ng baril.

Inaresto si Marie at sinampahan ng iba't ibang reklamo. Kabilang dito ang "manslaughter" o pagpatay, at possesion of firearm by a convicted felon.

Nagpaalala naman si Mina sa mga nagmamay-ari ng baril na ingatan ang pagtatago nito lalo na kung may bata sa bahay upang maiwasan ang trahedya.--FRJ, GMA news