Pumadyak mula sa Luneta sa Maynila hanggang Ilocos Norte ang isang 68-anyos na lolo sakay ng kaniyang pedicab.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, sinabing umulan at umaraw ang ginawang pagbiyahe ni Ricardo Limse.
Kasama niya sa biyahe ang kaniyang bilas na si Danny Pilapil na sakay naman ng bisikleta.
Sinimulan ng dalawa ang pagpadyak sa Luneta noong Mayo 24, at nakarating sila sa Ilocos makaraan ng limang araw na biyahe.
"Ang layunin ko una ay batiin si sir BBM (president-elect Bongbong Marcos) sa kaniyang pagkapanalo," ani Lolo Ricardo.
"Kahit na mahirap [masaya] kasi first time kong pumunta roon nang naka-bike pero kinaya ko naman," sabi naman ni Danny.
Napag-alaman na marami nang probinsiya ang napuntahan si Lolo Ricardo gamit ang kaniyang pedicab.
Sa kabila ng kaniyang edad, malakas pa at kaya pang pumadyak ni Lolo Ricardo
"At the age of 68, kaya ko pang patunayan sa lahat, sa buong mundo na kung anong kakayahan na mayroon ako," saad niya.
Nagpayo rin si Lolo Ricardo sa mga biker na alagaan ang katawan dahil makakarating umano ang isang tao kahit saan basta maayos ang pangangatawan at ang bisikleta. --FRJ, GMA News