Nabisto ng mga awtoridad ang kakaibang ilegal na droga na "shabu pills" na ang iba ay itinago ng naarestong Chinese sa isang facemask sa Makati. Ang titira umano nito, puwedeng gising nang isang linggo.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Special Action Unit (NBI-SAU) ang nakabisto sa dayuhang suspek.
Nasa 56 na piraso ng "shabu pill" ang nakuha sa suspek na ang iba ay nakaipit sa facemask. Nagkakahalaga umano ng P2,500 hanggang P5,000 ang bawat isa ng droga.
May baril din na nakuha umano sa dayuhan.
Sinasabing delikado ang naturang ilegal na droga dahil may sangkap ito na pampalakas ng kabayo at elepante.
“As far as the NBI is concern first time sa bureau na naka-seize ng ganitong klaseng droga. Nakita dito sa laboratory exam result na mayroong methamphetamine hydrochloride, caffeine and ethyl vanillin,” ayon kay Atty. Kristine Dela Cruz, Executive Officer ng NBI-SAU.
“Napaka-potent nito na kapag na-take ang isang tao hindi siya makakatulog ng isang linggo,” dagdag niya.
Paniwala ng NBI, mga Chinese Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) at sex workers na nasa bansa ang pinagbibigyan ng naturang ilegal na droga.
“Alamin natin paano nakapasok, sino ang kinontak ng sindikato, paano ibinebenta, anong grupo ng sindikato at saan ang areas of operation," ayon kay NBI Director Eric Distor.
"I am ordering all NBI agents across the country tutukan ninyo ang bagong klase ng droga na ito,” dagdag niya.
--FRJ, GMA News