Nasawi ang isang motorcycle rider sa Tigbauan, Iloilo matapos siyang tumama sa mahabang metal pipe na karga ng kolong-kolong (motorsiklong may sidecar) habang tumatawid ng kalsada.
Sa ulat ni Aileen Pedreso ng GMA Regional TV sa GMA News Saksi nitong Huwebes, makikita sa CCTV footage ang kolong-kolong na nagmamaniobra para tumawid ng kalsada at nakausli ang mahabang metal pile.
Maya-maya lang, dumating na ang motorsiklo na mabilis ang takbo na minamaneho ng biktima, at tumama siya sa tubo.
Sa lakas ng pagkakatama sa metal pipe, nalaglag mula sa kaniyang motorsiklo ang rider at bumagsak sa kalsada.
Tumama naman ang kaniyang motorsiklo sa isang pick-up truck.
Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktima.
“Ang motor na dina-drive ng biktima, biglang nag-overtake sa jeep. Blind side sila, so timing na ang mahabang dulo ng pipe, inabot niya,” ayon kayTigbauan police chief Police Captain Alfred Mansoy.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang pamilya ng biktima, at driver ng kolong-kolong.—FRJ, GMA Integrated News