Isang lumang abstract painting na nagpapakita ng tatlong pigura na walang mukha ang biglang nagkaroon ng mga mata gamit ang ballpen. Ang nasa likod umano nito, ang isang bagitong security guard na nagbabantay sa isang art gallery sa Russia.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing gawa noong 1930's ang painting na "Three Figures" na obra ni Anna Leporskaya. Nagkakahalaga umano ito ng US$1 milyon o katumbas ng nasa P50 milyon.

Ipinagamit ang naturang painting bilang display sa isang art gallery sa Yeltsin Centre sa Yekaterinburg.

Pero noong Disyembre, nakita na lang na nagkaroon ng mga mata na sulat-ballpen ang obra na tatlong pigura na walang mukha.

Inulat ng gallery sa pulisya ang insidente pero hindi nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya dahil itinuring na "insignificant" ang halaga ng pinsala na aabot sa 250,000 rubles o $3,300.

Gayunman, naghain ng reklamo ang cultural ministry ng Russia kaya napilitan ang Yekaterinburg police na imbestigahan na ang insidente ng "vandalism."

Sa isang pagpupulong noong Lunes, inihayag ni Alexander Drozdov, acting director ng Yeltsin Centre, na "we were drawn by an employee of a private security company with which we have a contract."

Sinabi naman sa news website Ura.ru ni Anna Reshetkina, nag-organisa ng pulong, na unang araw sa trabaho ng naturang guwardiya.

Hindi rin daw agad nalaman kung bakit ginawa iyon ng guwardiya.

Naibalik na sa Moscow at na-restore o inalis na ang mga mata sa painting.

Posible namang maharap sa kaso ang guwardiya na ang parusa ay multa o pagkakakulong ng hanggang tatlong buwan. -- AFP/FRJ, GMA News