Iprinisinta nitong Lunes sa New Bilibid Prison (NBP) ang kanilang pinakabagong kasangga sa pagpapalakas ng kanilang seguridad — ang RS full body scanner.
Sa loob lamang ng tatlong segundo, kaya nitong i-scan ang buong katawan ng sinumang bibisita—walang makakalusot, maging ito man ay cellphone, kontrabando, o iba pang ipinagbabawal na gamit.
Ang Bureau of Corrections (BuCor) ay kasalukuyang may dalawang RS full body scanners, na nagkakahalaga ng P20 milyon bawat isa.
Target ng BuCor na lagyan din nito ang iba pang penal colonies sa hinaharap bilang bahagi ng kanilang patuloy na kampanya laban sa smuggling ng mga iligal na bagay sa loob ng mga kulungan.
Samantala, idinaos din nitong Lunes araw ang pormal na handover ng iba't ibang ICT equipment mula sa GoJust Program ng European Union (EU).
Kabilang dito ang laptops, scanners, webcams, at biometrics equipment.
Pinangunahan ni NBP Director General Gregorio Pio Catapang Jr. ang nasabing programa habang nagbigay naman ng mensahe si European Union Ambassador to the Philippines, Massimo Santoro.
Binasa naman ni DOJ Undersecretary Deo Marco ang mensahe ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla, kung saan binigyang-diin ang kahalagahan ng mga bagong kagamitan sa pagpapabuti ng operasyon ng BuCor.
Bahagi rin ng mga aktibidad ang paggunita sa completion ng Carpeta Digitization Project. Layunin nitong gawing digital ang mga rekord ng Persons Deprived of Liberty (PDL), na inaasahang makakatulong upang mapabilis ang proseso ng decongestion sa mga kulungan.
Ayon sa BuCor, isa sa mga dahilan ng mabagal na pagpapalaya sa mga PDL ay ang mano-manong pagproseso ng kanilang mga dokumento.
Sa pamamagitan unano ng digitalization, mas mabilis na mapo-proseso ang mga dokumento ng mga PDL
Sa pamamagitan ng mga makabagong kagamitan at digital na sistema, umaasa ang Bucor na mas mapapabuti ang seguridad at mapabilis ang rehabilitasyon ng mga PDL habang binabawasan ang congestion sa mga kulungan. — RSJ, GMA Integrated News