Isang araw makaraang ilibing ang isang sanggol na pumanaw at inakalang positibo sa COVID-19, muli itong ipinahukay ng mga kaanak sa Tigbauan, Iloilo nang lumitaw sa RT-PCR test na negatibo sa virus ang bata.

Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing dismayado at galit ang mga kaanak ng pumanaw na sanggol na isang-buwang-gulang na lalaki, sa Barangay Atabayan sa nabanggit na bayan.

Kuwento ng lola ng bata na si Cora Tagulina, noong nakaraang Huwebes nang dalhin sa Representative Pedro Trono Memorial District Hospital sa bayan ng Guimbal, ang sanggol dahil bigla itong mangitim.

Ngunit namatay ang sanggol at idineklara ng ospital na COVID-19 suspected case.

Isang araw matapos pumanaw ang sanggol, sinabihan umano sila ng nagpakilalang si Dr. Josefa Monserate,  head ng Rural Health Unit ng Tigbauan, na positibo sa COVID-19 ang sanggol.

Kaya pinapili raw sila kung ipapa-cremate o ililibing na kaagad ang sanggol.
Dahil gusto raw nilang sumunod na patakaran, sinabi ng lola na kaagad nilang ipinalibing ang apo.

Iyon nga lang, Sabado o isang araw matapos ilibing ang sanggol, lumabas naman ang resulta ng RT-PRC test ng Representative Pedro Trono Memorial District Hospital, na nagsasabing negatibo sa COVID-19 ang bata.

Nang makuha ang kopya ng COVID-19 test result, kaagad nilang ipinahukay ang labi ng sanggol at dinala sa punerarya para mabigyan ng disenteng lamay at libing.

Pakiramdam ng mga kamag-anak ng sanggol, tila pinaglaruan sila sa nangyari sa bata.

Desidido raw ang pamilya ng sanggol na sampahan ng reklamo si Monserate dahil umano sa kabayaan nito.

Pero depensa ni Monserate, hindi siya ang tumawag at nakausap ng pamilya na nagsabi umanong positibo sa virus at ilibing agad ang sanggol.

Paliwanag pa ng duktor, ang punong barangay ang kaniyang kinausap at sinabihan na ipalibing ang sanggol kapag hindi pa lumalabas ang resulta ng RT-PCR test sa pagkaraang 48 oras o dalawang araw.

"Inalam ko kung ako nga ang tumawag sa kanila para ipalibing ang bata. So napag-alaman na ang numero na nakausap nila ay hindi akin, sa nurse namin na sa quarantine facility. Hindi siya nag-instruct na ipalibing dahil na-assign lang siya sa TTMF," ayon kay Monserate, na nais na malinaw ang kaniyang pangalan.

--FRJ, GMA News