Napaupo sa semento at naiyak na lang sa labis na sama ng loob ng isang food delivery worker nang manakaw ang bisikletang gamit niya sa hanapbuhay. Pero pagkawala ng bike niya, mas malaking biyaya ang kaniyang natanggap.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing kukunin lang ni Joshua ang ide-deliver na cake nang biglang may tumangay sa kaniyang bisikleta.
"'Di naman ako na nanloloko ng tao. 'Di ako nang-aagrabyado ng tao. Ba't sa 'kin pa? Ba't ako pa," hinanakit ni Joshua sa nag-viral na video.
Ayon kay Joshua, dati siyang factory worker bago siya naging delivery rider. Nagpositibo siya sa COVID-19 at inalok siya ng kapitbahay kung nais niyang magtrabaho sa food delivery service.
"Naisip kong lumipat sa pagde-deliver kasi mas maganda 'yung kita. Hindi siya masyadong hassle," saad niya.
Ang unang bisikleta na binili niya para magamit sa paghahatid ng pagkain ay nagkakahalaga ng P1,000. Nang makakita ng ibang bike, umutang sila ng kaniyang asawa ng pera para mabili ito.
Nagkakahalaga umano ng P18,400 ang bago niyang bike na pinangalanan pa niyang "Black Panther."
Pinaganda pa niya ang bisikleta at gumastos ng P40,000 nang nakawin ito.
"Nagustuhan ko siya dahil dumami 'yung lugar na napuntahan ko. 'Yung mga magagandang lugar na mga imposibleng marating," kuwento niya.
Sabi pa ni Joshua, kumikita siya ng hanggang P700 isang araw sa pagiging food delivery biker. Umaabot naman sa 15 hanggang 30 minuto ang bawat delivery trip niya.
Naging biktima rin daw siya ng "fake bookings."
"Sayang 'yung effort mo, 'yung pagod mo," ani Joshua.
Pero ang pagkawala ng bike noong November 25 ang pinakamasaklap na nangyari sa kaniyang trabaho.
"Iniisip ko po kung nagkamali ako ng parada. Nung na-realize ko na talagang nawala na siya, doon na po ako nagtanong kung may nakakita po," ani Joshua.
Sa CCTV footage, nakita na ipinarada ni Joshua ang kaniyang bike sa puting sasakyan. Makikita rin na isang lalaki ang tumitingin sa kaniyang bisikleta bago ito tinangay.
Ayon kay Joshua, para siyang nawalan ng anak sa pagkawala ng bisikleta na gamit niya sa hanapbuhay.
Nag-viral ang video ni Joshua, at nakarating sa kaalaman ng mga rider tulad ng motovlogger na Team Katagumpay ni Jay.
Sa vlog, binigyan ni Jay si Joshua ng bike, helmet, lights, bottle holder, face mask, at perang katumbas ng limang araw na kaniyang kita.
Pero hindi lang isa ang bisikleta na kaniyang natanggap kung hindi apat na mula sa mga may mabuting kalooban.
Ang ibang bike, ibinigay niya sa kaniyang ama at kapatid.
At nitong Biyernes, nakatanggap ng delivery booking si Joshua mula sa vlogger na Motor ni Juan na may sorpresa rin at magpapaiyak muli sa kaniya.
Alamin sa video kung ano ito. Panoorin.
—FRJ, GMA News