Isang lalaki sa Queensland, Australia ang nakaligtas sa malalim na baha pero hindi sa multa na aabot sa halos P20,000 ang katumbas na halaga sa Pilipinas.
Sa video ng GMA News Feed, makikita ang ginawang paghatak ng mga awtoridad sa pick-up truck ng 23-anyos na driver na nalubog sa baha.
Nang maialis sa baha ang sasakyan, umagos ang naipong tubig sa loob ng pick-up truck.
Ayon sa mga pulis, sinubukan daw ng driver na itawid ang kaniyang sasakyan sa kalsadang lubog na sa baha.
Pero tumirik ang sasakyan at naanod sa mga puno hanggang sa hindi na siya makaalis sa kaniyang pick-up truck kasama ang alagang aso.
Nanatili umano ang driver at ang aso sa ibabaw ng sasakyang hanggang sa dumating ang mga taong sumagip sa kaniya at humatak ng kaniyang sasakyan.
Nang matiyak na ng mga awtoridad na maayos ang kalagayan ng driver, doon na siya tiniketan dahil sa paglabag sa batas na "driving without due attention and care."
Ang multa sa ginawa niyang kasalanan, umaabot sa $394 o halos P20,000.
Bukod sa multa, kailangan niya ring gumastos para maipaayos ang kaniyang sasakyan.
Nangyari ang insidente sa gitna ng malawakang pagbaha sa Queensland dulot ng malalakas na pag-ulan.--FRJ, GMA News