Hindi na lang daw ang love life ang kayang solusyunan ng gayuma ngayon, kung hindi pati na rin ang problema sa pera. Gaano nga ba kaepektibo ang tinatawag na pampasuwerte sa sugal?
Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinasabing may nabibiling mga gayuma at pagpasuwerte online. Ang iba nga, ibinebenta pa sa live selling sa social media.
Ang isang online seller, natunton sa Siquijor na nagsasabing legit ang kaniyang mga ibinebenta--tulad ng gayuma o lumay.
Ayon kay Beth na nagbebenta ng gayuma, maa-attract at magigigng maamo raw ang sinumang makakaamoy sa gayuma.
Ang gayuma, may sangkap ng mga pinatuyong dahon at sanga na may kasamang orasyon.
Bukod sa love life, mayroon din gayuma na para suwertehin naman daw sa sugal, na ibinebenta naman online ng faith healer na si Kino, na mas kilala bilang si Kalbolaryo.
Ang kaniyang gambling set, may kasamang medalyon na lucky coins na suwerte raw sa casino slot machine, card games at lotto.
Mayroon din siyang pigura na lucky chicken na suwerte naman daw sa sabong. Isama pa ang lucky horse na para naman daw sa mahilig sa karera ng mga kabayo.
Ang mga pampasuwerte, mayroon ding orasyon na mula sa itinuturing patron ng suwerte na si San Jose.
Pero gaano nga kaya katotoo ang mga gayuma? Tunghayan ang episode na ito ng "KMJS" kung saan sinubukan ni Angelo ang bisa ng binili niyang gambling set.
Alamin din ang pahayag tungkol dito ng isang anthropologist, isang psychiatrist, at ang kinatawan ng Simbahan Katolika. Panoorin.
--FRJ, GMA News