Isang lalaki sa Zamboanga City ang naturukan ng dalawang brand ng COVID-19 vaccine sa loob ng isang araw, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes.

Hindi raw alam ng lalaki ang proseso sa vaccination site kaya nalito siya sa pila ng first at second dose.

Una raw naturukan ang lalaki ng AstraZeneca. Pagkatapos ay ipinasa niya ang vaccination card niya sa isang staff, dahilan para maturukan siya ulit.

Sinovac daw ang brand na pangalawang naiturok sa lalaki.

Bagama't stable at wala namang nararamdamang kakaiba ang lalaki, hindi muna siya pinayagang pumasok sa trabaho ng Zamboanga City Health Office. --KBK, GMA News