Ilang oras na nagtiis na walang kuryente ang ilang residente sa Cotabato dahil sa brownout na kagagawan ng isang tuko.

Ayon sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Huwebes,  mismong lineman ng Cotabato Electric Cooperative ang nakadiskubre sa tuko na patay at tustado na.

Gumapang umano ang tuko sa insulator ng kuryente sa Barangay Batiocan sa bayan ng Libungan, na dahilan ng brownout.

Nito lang lang nakaraang Oktubre, isang cobra ang naging dahilan ng ilang oras na brownout sa Pigcawayan sa Cotabato.

Galing ang ahas sa puno at tumawid sa transmission line ng kuryente na dahilan para siya makuryente at magdulot din ng brownout.--FRJ, GMA News