Noong panahon ng digmaan, ginawang kampo ng mga sundalong Hapon ang Manila Post Office. Sinasabing marami ang nasawi sa naturang gusali, at posibleng kabilang ang mga sundalo ang nagmumulto sa lugar.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ng ilang mga kawani sa Post Office ang mga kababalaghan na kanilang naranasan.

Tulad ni Larry Gabarda, dating security guard sa gusali na minsan umanong sinaktan ng nagmumulto sa Post Office.

“Saturday ng gabi kung saan lahat ng empleyado mag-a-out na, na-poltergeist ako na matindi,” kuwento niya.

Ayon kay Larry, nasa ika-apat na palapag siya ng gusali nang may biglang bumatok sa kaniya. Pero nang lumingon siya at itutok ang flashlight, wala siyang nakita na ibang tao sa hallway.

Bagaman batid daw niya na may multo sa gusali, hindi naman daw karaniwang nanakit ang mga ito. Hinala ni Larry, multo ng sundalong Hapon ang bumatok sa kaniya.

Dahil sa naturang pangyayari, hindi na nagpa-duty sa gabi si Larry.

Ayon naman kay Don Escalona, nakatalaga sa parcel section, inaabot din siya ng gabi sa trabaho at nakakaramdam ng kakaiba.

“Sundalong Hapon, parang nagfo-formation sila. Lalo na‘pag nila-lock ko na yung pintuan dun, makikita mo parang inoobserbahan ka. Yung feeling ba na nakapila sila diyan tapos. Kapag naglalakad ka, tinitingnan kang ganun,” pahayag niya.

Ayon sa urban architect at historian na si Gerard Lico, ang Manila Post Office ay dinisenyo ni Juan Arellano noong 1926.

Plano raw itong maging bahagi ng Burnham plan, at naging opisina ng Bureau of Public Works.

Noong World War II, ginawa itong kampo ng mga sundalong Hapon at pinaniniwalaang marami ang nasawi rito.

Ayon kay Don, nakakarinig din siya ng kadenang hinihila sa gusali at babaeng umiiyak.

“Umiinit ’yung nasa parteng kanang balikat ko tapos parang merong nakatingin. Sundalo, talagang nakamasid sa akin. Mabigat ang pakiramdam. Umiinit ang tainga ko! Umiinit na naman sa may tainga ko, sa likod, sa batok,” sabi ni Don, habang kinakapanayam ng "KMJS."

Ayon naman kay Wilfred Hingalia, dati ring security guard sa Post Office, may nakikita rin siyang multo ng mga sundalo sa pasilyo at maging ang multo ng "white lady."

Ibinahagi rin ng iba pang kawani ng gusali ang tungkol sa babaeng umiiyak sa banyo. Ito raw ang dahilan kaya dapat may kasama ang nagpupunta sa kanila sa banyo.

Minsan din umanong nakita ng isang empleyado ang tsineles na tila nakahakbang kahit inayos na ito. Bukod pa ito sa tunog ng tila nagmamakinilya.

Nagtungo sa Post Office ang paranormal researcher na si Ed Caluag para alamin kung sino ang nagmumulto sa gusali.

Kasama ni Ed ang ilang kawani ng gusali pero nagulat sila sa isang babaeng multo na nagparamdam umano.

Mapalaya kaya ni Ed ang mga kaluluwa na nasa loob ng gusali? Panoorin ang buong istorya.

--FRJ, GMA News