Natapos ang pangungulila sa ama ng isang 26-anyos na babae nang sa unang pagkakataon ay makaharap at mayakap niya ang kaniyang ama na hindi niya nasilayan mula nang isilang siya. Ang kanilang pagtatagpo, nangyari sa tulong ng Facebook.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ibinahagi ni Jane Evony Soloria ang video na kuha niya nang magkita sila sa unang pagkakataon ng kaniyang ama na si Jude Barba.
Kuwento ni Jane, magkakahalong emosyon ang naramdaman niya nang araw na iyon.
Napag-alaman na ipinagbubuntis pa lang daw si Jane noon ng kaniyang ina nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang.
Nakaroon ng bagong asawa ang kaniyang ina at nagkaroon ng mga anak.
Habang si Jane, napunta sa pangangalaga ng mga tiyahin.
Hanggang sa isang araw, naisipan ni Jane na hanapin ang pangalan ng ama sa Facebook. Tatlong pangalan daw ang lumabas at pinili niya ang lalaking pinaniniwalaan niyang kaedad ng kaniyang ama.
Nang ipakita raw ni Jane sa kaniyang ina ang larawan ng lalaki kung kilala niya ito, hindi raw sumagot ang kaniyang ina.
Pero dahil sa kakaibang naramdaman, nagpadala si Jane ng mensahe sa lalaki sa Facebook at doon na niya nakumpirma na ito nga ang kaniyang ama.
"Isa lang naman po ang hiniling ko, magkita lang kami kahit isang beses lang," sabi ni Jane na ibinigay naman ng kaniyang ama.
Ayon kay Mang Jude, hindi niya alam noon na buntis ang ina ni Jane nang maghiwalay sila.
Sa peryahan din daw siya nagtatrabaho at kung saan-saan lugar sila napapadpad hanggang sa hindi na niya naisama ang ina ni Jane.
Naipaliwanag na rin daw ni Jude sa kaniyang pamilya ang tungkol kay Jane, at maluwag daw nilang tinanggap ang sitwasyon.
Pangako ni Mang Jude, babawi siya sa anak sa mga panahon na nawala sa kanilang mag-ama.--FRJ, GMA News