Nabisto ang kakaibang taktika ng isang kompanya na nagbebenta ng mga cellphone sa iba't ibang online selling platform para magmukha umanong marami ang bumibili sa kanila.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing sinalakay ng mga operatiba ng Special Mayor's Reaction Team ang isang bodega sa Paco, Maynila.
Dito nakita ang mga bato na naka-bubble wrap at nakalagay sa mga kahon ng cellphone.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Rosalino Ibay, hepe ng Special Mayor's Reaction Team, isinagawa nila ang pagsalakay matapos silang makatanggap ng impormasyon tungkol sa umano'y mga cellphone na pinapalitan ng bato.
Pero paliwanag ng tauhan ng kompanya na nasa bodega, hindi naman nila ipinapadala ang mga bato sa kostumer.
Sa halip, ipinapadala raw nila ang bato sa kanila pala palabasin lang na marami ang kanilang naibebenta na lilitaw sa kanilang online account.
Ginagawa raw ito para makahikayat ng mga tunay na buyer.
Ayon sa pulisya, mayroong 36 na accounts sa iba't ibang online selling platform ang naturang kompanya na nagbebenta ng mga cellphone.
Aalamin naman kung original ang mga cellphone na nakita sa bodega.
Sa kabila ng paliwanag, ipinasara pa rin ang bodega matapos madiskubre na wala silang business at occupational permit.
Sa isang pahayag naman, sinabi ng Lazada na siniseryoso nila ang anumang concern ng kanilang mga seller at customer.
"We have launched and investigation looking into the situation and we will not hesitate to take strong actions against those found involved in illegal activities that are against local laws and company policy," ayon sa pahayag. --FRJ, GMA News